Lipat Bahay

Note: This is the solo piece I performed for TWO: Words Anonymous’ Second Anniversary Show. 

Tuwing gabi, ginigising ako ng pagkaluskos ng mga laylayan ng aking kurtina sa mga kartong minarkahan ng mga sulat kamay mo.
Takot pa rin akong buksan sila, kahit na alam ko naman kung ano ang kanilang nilalaman.
Ilang linggo na silang nakatambay sa aking paanan at dapat ko na talaga silang buksan pero huwag muna.
Baka kapag hinayaan ko lang silang nakaganyan ay mananatili kang nariyan.

Handa na daw ang bahay na ating lilipatan. Ilang araw na lang.
Matagal na tayong nagpplano. Matagal na natin itong pinaplano.
Dito natin lilimutin ang mundo.
Dito tayo magtatago at magpapakalayo.
Dito natin sasagipin ang isa’t isa.
Magkakampi tayo diba. Magkakampi tayo.
Peksman, walang iwanan.

Sabi nila hindi raw nila napansin,
ni minsan hindi raw nila nakita ang kalungkutan sa iyong mga mata.
Pero yun ang una kong nakita, yung lungkot na nagtatago sa likod ng iyong malalawak na ngiti.
Para akong nanalamin.
Dalawa tayong sirkerong magkatabi sa bingit, binubuklod ng kalungkutang nagmistulang panali para hindi tayo matangay ng hangin.

Lagi mong sinasabing gusto mo nang lumipad.
Sandali, hindi pa ako handa.
Wag muna. Marami pa tayong gagawin.
Teka lang, Sasama ako.
Magkakampi tayo diba? Magkakampi tayo?
Peksman. Walang iwanan.

Ngayong linggo, mga limang beses na akong nilapitan ng mga tao para sabihin saking hindi sila sanay na wala ka.
Na kung papaano nila hahanap-hanapin ang mga wirdo mong mga tanong tungkol sa buhay at kung ano pa man.
Na kung paanong sana mas sineryoso ka nila, pero likas ka daw kasing alaskador. Hindi ka naman talaga palabiro, gusto mo lang talagang nakikita silang masaya.
Na sana’y sinamahan ka nila nung nangimbita kang umakyat ng bundok o kahit man lang tumambay sa bahay dahil masyado kang maraming beer na nabili.
Na sana’y mas pinagtuunan ka nila ng pansin nung nandito ka pa.
Na sana may nagawa sila para sagipin ka.
Na sana gumawa ako ng paraan para sagipin ka.
Ang hindi nila alam, gusto ko rin talagang sumama.

Ngayon, naamoy ko pa ang pulbura kapag binubuksan ko ang pintuan ng kwarto mo. Kahalo ng amoy ng yosi at ng iyong paboritong pabango.
Naririnig ko ang alingawngaw ng tawa mo mula sa bawat kanto.
Suot ko ang naiwan mong polo.
Yakap yakap ko pa rin ang mga unan mong dapat ko na talagang itago.

Bukas, lilipat na ako sa bago nating bahay.
Dadalhin ang mga kartong minarkahan ng mga sulat kamay mo.
Hindi ko muna sila bubuksan, para manatili ka pang nariyan.
Kahit pa nasa kabilang buhay.

Advertisements

2 thoughts on “Lipat Bahay

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s